top of page

PAGTANOD SA PAGLAOT

istorya sa patubigang pambayan

ni Sachi Samaniego

Ang mga tubig ng kasaganahan at kasagsagan ay nagiging tubig na lamang ng kahungkagan para sa mga maliliit na mangingisda sa Nasugbu, Batangas.

Mga opisyal sa Samahan ng mga Mangingisda ng Interlink (Wenifredo Jeresano, Jason Acosta, Lucela Bajar, Roberto Cañeras Sr., Emmanuel Delgado)

Mahigit tatlumpung taon nang sa katubigan ng Nasugbu nakasalalay ang kabuhayan ng pamilya ni Wenifredo Jeresano, ang kasalukuyang pinuno ng Samahan ng mga Mangingisda ng Interlink, isang grupo ng mga pangmunisipal na mga mangingisda sa Barangay Wawa, Nasugbu. Galing sa Parañaque, namangha siya sa kasaganahan ng mga isda at kayamanang pandagat sa katubigan ng Nasugbu mahigit tatlumpung taon na ang nakalipas. Namangha siya sa laki ng maaaring kitain sa pangingisda rito. Mula noon, dito niya na minabuting mamalagi. Isa lamang siya sa marami pang ganito rin ang istorya.

Pito sa apatnapu’t dalawang barangay ng Nasugbu ay nasa baybay, sa tabi ng mga anyong tubig. Hindi maitatatwa na ang bayan ng Nasugbu ay sagana sa likas na yamang pandagat, na pati mga hindi tubo sa bayan ay pinipili nang dito na lamang manirahan at maghanapbuhay.

 

Gayunpaman, hindi pa rin laging tiyak ang tagumpay ng kabuhayan ng mga mangingisda sa Nasugbu. Bagama’t mayaman ang katubigang kanilang sinusuyod at pinamamalagian, malaking bagay pa rin ang panahon ng kanilang paglaot. Sa panahon pa rin lagi’t laging babagsak ang kapalaran ng mga mangingisda sa kanilang mahuhuli. Ngunit kahit na gayon, alam ng mga mangingisdang hindi nila hawak ang mga problema sa makinarya ng kalikasan. At katuwang ng kaalamang ito ay ang katiyakan din ukol sa kung anong makakaya nilang hawakan, supilin, baguhin, at bagtasin— ang makinarya sa komersyo.

Hindi ang kalikasan na katubigan ang ugat ng problema para sa kanila, bagkus ay ang tila nagiging likas nang mga gawi ng mga malalaking mangingisda, mga mangingisdang komersiyal na palakaya. 

AYON SA PAPEL

Pare-pareho ang mga hinaing ng komunidad ng mga maliliit o munisipal na mga mangingisda. Tila hindi na bago sa kanila ang isyung kanilang binabagtas— ang patuloy na pagpasok ng mga trawl, isang uri ng komersiyal na palakaya, sa katubigang pambayan o mga munisipal na pangisdaan ng Nasugbu.

“Talagang sa larangan ng hanapbuhay, laging api talaga ang mga mangingisda.”—Konsehal Silverio Ayo

“[Ang] problema namin sa pangingisda, minsan, pinapasok dito ng mga dayuhan na mga trawl na malalaki. Imbis na mahuhuli naming [ay sa kanila napupunta],” wika ni Jeresano. 

 

Ang dating mga masagana at mayaman sa isdang mga patubigang pambayan ay ngayo’y nagsisimula nang maubos at masaid ng mga nakakapasok na komersiyal na palakaya.

 

Sa dati nilang pangingisda sa mga patubigang pambayan, sagana ang kanilang huli,

ngunit ngayong nagiging mas laganap ang pamamalakaya ng mga trawl, umaabot lamang ng isang kilo ang kanilang huli sa magdamagang pangingisda.

“Talagang sa larangan ng hanapbuhay, laging api talaga ang mga mangingisda.”

                                                       —Konsehal Silverio Ayo

Ang pagdagdag pa ng kompetisyon sa huli ng mga maliliit na mangingisda ay nakabubungi pa lalo ng kanilang pagkita at pamumuhay.

 

Pati ang Bantay Dagat, isang grupo ng mga boluntaryong mga sibilyang nagpapatrol sa mga katubigan pambayan, ay ito rin ang pahayag.

 

Ayon kay Silverio Ayo, isang konsehal ng Barangay Wawa na nakatalaga sa Committee on Agriculture and Fisheries ng barangay, na miyembro rin ng Bantay Dagat, malinaw ang mga ordinansa at batas ukol sa pagbabawal sa mga palakayang komersiyal sa patubigang pambayan, ngunit wala pa ring tigil ang mga ito sa pamamasok. 

 

“Bawal po sila sa 15 kilometers, ‘yun pong commercial. Pero sila po ay nakakapasok pa rin diyan. Nakakanakaw pa rin po sila ng isda diyan sa loob ng municipal waters na ‘yan,” wika ni Konsehal Ayo.

 

Isinasaad ng Kautusan Bilang 4 ng Sangguniang Bayan ng Nasugbu, Batangas taong 1994 ang pagpapatupad ng “labinlimang (15) kilometro mula sa baybaying dagat bilang katubigang pambayan o munisipal na pangisdaan at mahigpit na nagbabawal sa pagpasok at pangingisda dito ng mga komersiyal na palakaya at   mga mapaminsalang uri o paraan ng pangingisda.” Sinasaklaw ng at ayon din ito sa Republic Act 8550, na may titulong The Philippine Fisheries Code of 1998, at sa Republic Act 10654 na susog nito.

 

Ayon sa Republic Act 10654 Chapter VI Section 86, ang sinomang lalabag sa batas na ito ay pagbabayarin ng multang limang beses na halaga ng nahuling isda ng komersiyal na palakaya, o mula Php50,000.00 para sa small-scale commercial fishing; mula Php150,000.00 para sa medium-scale commercial fishing; at mula Php1,000,000.00 hanggang Php5,000,000.00 naman para sa large-scale commercial fishing.

 

Dagdag pa rito, kakaharapin ng kapitan at tatlong pinakamatataas na mga opisyal sa palakaya ang parusa ng pagkakakulong sa loob ng anim (6) na buwan.

Hindi kailanman humantong sa ganyan kataas na antas ng pagsasampa ng kaso ang bayan ng Nasugbu.

Bilang hindi ito ganoon kalaking munisipal, itinuring ng mga opisyal na may pangangailangan ng isang pangmunisipal na ordinansa.

Ayon kay Darwin Salanguit, ang pinuno ng buong sangay ng Fisheries sa Department of Agriculture sa munisipyo ng Nasugbu, ito ay nagsisilbing isang pagbagay sa batas pambansa.

 

Iminungkahi ni Salanguit ang mga matinding hamong kakaharapin ng munisipyong hindi niya tiyak kung kakayanin sa usapin ng pondo at trabaho sakaling iakyat ang isyu sa mas nakatataas na batas pambansa. Kaya’t hanggang sa pangmunisipal na ordinansa na lamang ang kanilang pag-aksyon.

 

“Kaya kung katulad ng, kumbaga, ganito, sa municipal level, ‘pag sila ang pinatulan mo, sila ang kinasuhan mo under national law, ikaw ang patay. Lalo’t mga Bantay Dagat—mga volunteer. Anong ilalaban mo dun sa mga may pera na ganon?” mungkahi ni Salanguit.

Humantong na lamang sila sa ordinansa, ang batas na tingin nila’y mas kaya nilang abutin.

 

Isinasaad ng Kautusan Bilang 4 Kabanata III Sesiyon 8 ng Sangguniang Bayan ng Nasugbu, Batangas ang multang hanggang Php500.00 at parusang pagkabilanggo ng isang linggo hanggang dalawang buwan para sa mga komersiyal na palakaya sa loob ng katubigang pambayan.

 

Ang pinakamaliit na multang nakasaad sa Kautusan Bilang 4 Kabanata III ay 10% lamang ng pinakamaliit na multa sa RA 10654 at ang pinakamalaki naman ay 0.005% lamang ng pinakamalaki sa parehong batas pambansa.

“Talaga pong may ordinansang ganyan. Kaya lang parang hindi po napatutupad. Kasi nga ho ang ordinansa, kayang-kayang magbayad ng mga commercial. Mga malalaking kompanya,” wika ni Konsehal Ayo.

NAAAYUNAN ANG PAPEL?

Hindi doon natatapos ang problema ng mga mangingisda. Ang kanilang pangunahing iniinda? Hindi ang batas at ordinansa, kundi ang pagpapatupad at pagsasakatuparan ng mga ito.

 

Bilang ang PNP Maritime Group ang may mandatong protektahan ang mga katubigan ng bayan, sila ang pinakainaasahan ng mga mangingisda at ng komunidad upang kumilos.

 

Hindi ito nararamdaman ng komunidad ng mga mangingisda.

 

“‘Yung trawl! Noong nakaraan, kinausap namin ang maritime, eh hindi naman naaksyon eh! Nandiyan lagi eh,” mungkahi ng isa sa mga mangingisda.

Ayon sa mga mangingisda, halos gabi gabi raw ang mga trawl sa patubigang pambayan, at wala silang nakikitang aksyon mula sa Maritime police. Wari nila’y may lagay sa mga ito.

 

“Bawal ‘yan, kahit saan bawal ‘yan. Siguro may lagay ata dito kaya nakakapasok. Kung walang lagay ‘yan diyan, syempre huhulihin ‘yan. ‘Pag sinumbong naman namin, sasabihin pabayaan lang daw,” dagdag ng isa pa sa mga ito.

 

Kahina-hinala ang sitwasyon pati para sa mga Bantay Dagat, at pati sa mga opisyal.

Ang mga Bantay Dagat ay pinapalaot kasama ang Maritime police. Subalit, sila ay magsisilbing mga saksi at testigo lamang ng operasyon. Tanging ang mga Maritime police ang siyang makapagsasampa ng kaso at makapanghuhuli bilang sila ang mga tinaguriang mga awtoridad.

 

“Mahirap din. Kasi kung walang men in uniform na gustong sumama, wala kang magagawa. Pag pinaghintay ka nila ng dalawang oras, wala na ‘yung huhulihin. Wala ka nang magagawa,” wika ni Salanguit.

Dahil si Salanguit ang isa sa mga una at pangunahing tinatawagan sa mga oras na may makikitang mga komersiyal na palakaya, likas sa kanya ang magkaroon ng mga karanasan kasama ang mga Maritime police.

 

“May pumasok [na trawl]. Nakahanda lahat ng gamit namin. Nakahanda na gasolina, patrol boat, sasakyan na lang,” salaysay ni Salanguit. “Te-take off. Asan na ang police? Wala pa. Dalawang oras na. Eh ‘wag na tayo pumunta. Wala na. ‘Pag alam na lalabas ka, wala ka talagang mahuhuli. Kailangan talaga mga impromptu na punta. Basta na lang kayo lumabas, may mahuhuli ka.”

 

Ayon din kay Konsehal Ayo na isa ring Bantay Dagat, hindi sila nakahuhuli sa mga oras na kasama nila ang mga ito.

 

“Pag po ang bantay dagat ay nagsupervision, pag kami po ay lumaot, pag sila po ang kasama, wala po kaming nahuhuli. Hindi naman po kami pwedeng lumaot nang wala kaming security. Kasi po kung kami po ay makahuli, paano po namin isasampa yung kaso?”

 

Dahil sa kanilang mga naranasan at naobserbahan, halos ang buong komunidad ng pangingisda ay nagkaroon ng biruang sa halip na Maritime police ang itawag ay Moneytime police, at sa halip na coast guard ay cash guard.

 

Hindi rin nauubusan ng mga rason ang mga tao sa komunidad na paghinalaan ang Maritime police.

 

Iminungkahi rin ni Salanguit na walang sariling bangkang pampatrol ang Maritime police.

Hindi pumayag ang Maritime police na naka-duty na si PO2 Ryan Tagalino makipagpanayam ukol sa kanilang mga gawi at proseso sa dahilang “baka mapattern ang mga ginagawa” nila sa kanilang mga proseso ng trabaho.

“Mahirap nang magsalita. Kasagsagan ngayon. Mainit ang Nasugbu,” wika ni Tagalino.

 

Ngunit nakumpirma naman nito, nang nabanggit niyang nagrerenta lamang sila ng mga bangka upang magpatrol, na wala silang kanilang sariling bangka, at iba pang kagamitan.

 

Para sa mga opisyal, sa Bantay Dagat, at sa mga mismong mangingisda, hindi nagagampanan ng PNP Maritime Group ang kanilang mandatong protektahan ang patubigang pambayan laban sa mga komersiyal na palakaya.

Tunay na malaking bagay ang panahon sa tagumpay ng mga maliliit na mangingisda sa kabuhayan. Kasabay ng paghihintay nila sa panahong umayon sa kanila ang kalikasan ay ang pagpupumiglas naman nila upang ipagsigawang panahon na rin upang tanuran at bakuran ang siyang alam nilang kanila.

"Sakay na po."

bottom of page