Community Journalism
Mapagmamasdan ang pighati sa mata at ang sigaw ng kalungkutan sa katahimikan ni Catherine.

SILA
ANG LIWANAG SA DILIM
Dahil sa Kentex fire, nawalan ng sila ng mga kaanak. Ilan lamang sila sa napakaraming pamilyang naiiwang uhaw sa hustisyang ipinagkakait sa kanilang mga uring manggagawa.


Ang unang linggo ni Frederick Yco sa bagong trabaho ay kanya na ring huli. Isa siya sa lagpas 70 mangaggawang nasawi sa sunog sa Kentex, pabrika ng tsinelas, noong Mayo 13, 2015.
Magtatatlong taon na nang mangyari ang trahedya, ngunit bigo ang mga kaanak ng biktima sa mga isinampang kasong kriminal at sibil.
Ayon kay Ammied Rada, nagsisilbing tagapangasiwa ng mga kasong isinampa ng mga biktima ng Kentex fire, nitong Marso 22 napaabot sa kanila na dinismiss na ng Kagawaran ng Katarungan (o DOJ) ang kasong kriminal na kanilang isinampa. Ang sibil na kaso naman ay magkakaroon pa lamang na pre-trial sa darating na Mayo 17.
“Sa nangyayari sa amin, three years na eh wala pa,” giit ni Ammied. Ngunit agad-agaran naman silang magsasampa ng apila sa Court of Appeals, dagdag niya.
Dahil sa Kentex fire, nawalan ng dalawang kapatid si Ammied. Isa siya sa napakaraming pamilyang naiiwang uhaw sa hustisyang ipinagkakait sa kanilang mga uring manggagawa.
Kasama niya, at ng ilan pang pamilya, na nananangis ang ina ni Frederick Yco.
Ipinagpapatuloy nila
“Ang magiging problema diyan ay kaming mga manggagawa ay parang dausan na lang ng pangakuan,” pahayag ni Ammied. Ganoon pa man, hindi nila magawang isuko ang laban.
Paano, giit niya, kung ang nakasalalay dito ay hindi lamang ang hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay, kung ‘di pati ang kinabukasan ng manggagawang Pilipino.
Para naman sa inang si Marilyn, ang kanilang pagpapatuloy sa laban ay hindi nangangahulugang ‘sing tigas lamang sila ng bato.
“Walang hihigit pa sa buhay ko—Sila ang buhay ko,” maluluhang pahayag ni Marilyn. Hanggang ngayon, aniya, araw-araw pa rin siya kung tumangis para sa panganay na masyadong maaga yumao.
Ngunit bilang isang magulang, bilang isang ina, kinakailangan niyang magpatuloy para sa natitirang tatlong anak.
Pasulong kung tumanaw si Marilyn at si Ammied. Hindi na lamang ito laban para sa kanilang nakaraan. Ito ay laban para sa panghinaharap, para sa susunod na henerasyon ng manggagawang Pilipino.
At hindi nila ito tatanganang mag-isa.
“Doon ho kami humuhugot ng lakas,” marahang sabi ni Nanay Marilyn, “dahil sa inyo po, lalong tumitibay po ang aming kalooban.”
Mayo 2015. Unang linggo ito ni Frederick Yco sa Kentex Manufacturing Corp. (Kentex) bilang trabahador at ramdam niya ang hagupit ng tag-init sa pabrikang ito. Hindi na niya naiwasang dumaing sa ina at makiusap na mabilhan ng shorts.
“Anak, pagsahod mo na lang ibili lahat ng short,” payo ni Nanay Marilyn. Hindi makakayanan ng Php 202 kada araw na sweldo ni Frederick mula sa kumpanya ang biglaang pagbili.
Ngunit hindi na nasilayan ni Marilyn Yco ang pagtanggap ng kanyang anak ng sweldo mula sa Kentex.
Ayon sa isang welder na hindi pinangalanan ng pulisya, nagsimula ang apoy matapos magsimula ang welding repairs ng metal gate malapit sa takaw-apoy na mga kemikal na ginagamit sa pagawaan. Dagdag ng welder, pinayagan naman siya ng factory secretary.
Sa pagpayag na ito at sa marami pang ibang anomalya tulad ng nakakandadong fire exit, dagliang nilamon ng sunog ang mga mahal sa buhay at pag-asa ng maraming pamilyang sadlak sa kahirapan.
“Hindi pa siya sumasahod,” hikbi ni Marilyn habang inaalala ang kanyang panganay na anak.
Ayon sa nakalap na datos ng Justice for Kentex Workers Alliance, makalipas ng 20 taon pa kung magbigay ng pormal na kontrata ang kumpanya. Dahil dito, hindi maitakda ang bilang ng mga nakaligtas mula sa apoy.
May ilang tulad ng kamag-anak ni Josie Dayo na nakahanap na ng bagong trabaho. Ayon sa kanya, agaran raw ang pagkuha ng iba’t ibang kumpanya sa mga nakaligtas sa trahedya ng Kentex.
Manininda si Dayo sa gawing kanan ng Kentex. Sa kanyang paghahanapbuhay, nakilala na niya bilang kaibigan ang ilan sa kanyang mga suki. Marami sa kanila, hindi na nakaligtas pa.

Wala raw araw na pinalagpas si Nanay Marilyn na hindi pinagdadasal at iniiyakan ang anak na yumao.
Tunay na hindi mabilang kung ilang pares ng mata ang nakasaksi sa pagkasawi ng kanilang mga katrabaho, o kaya naman, tulad ni Catherine Rada, mga kadugo.
Magtatatlong taon na nang mapabilang si Catherine sa mga manggagawa ng Kentex na nakaligtas mula sa walang awang yapos ng sunog. Libong araw na ang lumipas ngunit magpahanggang ngayon, hindi pa rin makayanan ni Catherine maibahagi ang kwento ng araw na nawalan siya ng dalawang katrabaho, mahal sa buhay, kapatid.
Iling lamang ang kanyang maialay para sa hindi makataong sinapit ng mga ito. Iling at nananangis na mga mata.

Sila ang liwanag sa dilim: Ang laban sa Kentex tatlong taon makalipas
by Jobelle Adan and Luigi Naval
Ang mga naiwang sugat
“Mas mahalaga pa ang makina sa kanila, kaysa sa mangaggawa,” ayon kay Ammied Rada, nakatatandang kapatid ni Catherine at manggagawa ng Kentex taong 2013 hanggang 2014.
Sa tuwing magkakadiperensya ang mga gulong ng makina, agaran daw kung bawasan ang sahod ng mga manggagawa.
Samantala, sila namang mga trabahador nama’y ni walang doktor na malalapitan sa tuwing hindi na madadaan sa tiis at tiyaga ang pananatili sa loob ng pabrika.
“Pag nagtatrabaho sa makina pag tinamaan ka’t binagsakan ng alikabok,” giit ni Ammied, “minsan akala mo parang babagsak na at ‘di na kayang dumilat dahil malagkit na yung mata mo.”

Inaalala ni Ammied Rada ang kanyang karanasan sa Kentex, ang kumpanyang dahilan ng pagkasawi ng dalawa niyang kapatid.
Isa lamang itong isyu na ito sa sitwasyong pampagawaan na malinaw na pinabayaan ng Kentex Manufacturing Corp. Ayon sa pagsisiyasat, hindi nagawaran ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang Kentex ng fire permit taong 2014 at 2015 sa kabila ng pagkakaroon ng takaw-apoy na mga kemikal sa pabrika.
“Yung chemicals po na ginagamit namin, hindi basta-basta. Hazardous yun,” ayon kay Ammied. Dagdag niya pa, hindi na iba sa mga manggagawa roon ang magkaroon ng rashes sa katawan dulot ng mga kemikal.
Sa kabila nito, hindi pa rin naipapanalo ang kaso laban sa Kentex, pati na rin ang CGC Manpower Agency na kinabibilangan ng marami sa mga mangagawa. Nitong Marso 24 lamang nagsimula ang pretrial para sa civil case na kanilang isinampa.
Tumanggi magbahagi ang BFP dahil hindi pa umano tapos ang imbestigasyon sa pabrika, tatlong taon na ang nakalipas.
“Patay na nga agad, wala pang hustisya,” giit ni Ammied.
Ito ang kwento ng manggagawa, ng maralitang lungsod, ng masa na ipinangakong ipagtatanggol ng kasalukuyang presidente Rodrigo Duterte.
Boto ng masa
Isa sa mga nagpaangat sa kampanya ni Duterte ay ang kanyang natatanging pangakong wakasan ang kontraktwalisasyon sa bansa. Makailang-ulit nitong binantaan ang mga may-ari ng pabrika’t kumpanya upang ipakita ang kanyang bagsik, ang kanyang tapang.
Matagal nang isyu sa bansa ang kawalan ng maayos na pagtrato sa mga manggagawa. Bahagi nito ang hindi pagtalima sa kanilang karapatang maregularisa, karapatang magtrabaho sa isang ligtas na pabrika at iba pa.
Kaya naman nakitaan ng pag-asa ng ilang manggagawa ang kandidatong si Duterte nang buong pagmamalaki niyang sinabing kaya niyang wakasan ang kontraktwalisasyon nang wala pang isang taon.
Ngayon, hindi na makitang kasangga si Duterte sa laban ng mga manggagawa.
“I don’t think that I can really give them all kasi hindi naman natin mapilit ‘yung mga kapitalista,” pahayag ng pangulo nitong linggo lamang.
Taliwas sa kanyang mga pahayag noong nangangampanya pa lamang, naniniwala siyang kakailanganing umabot sa kompromiso ang manggagawa at ang mga may-ari ng kompanya.
“Isa ako sa mga napaniwala niya,” sabi ni Ammied, “pero yun yung malaking panloloko sa aming mga manggagawa.”
Wala pang buong dalawang taon ng panunungkulan, humigit kumulang tatlong daang manggagawa na ang nasawi sa sunog sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ilalim ng administrasyong Duterte.
At sa daan-daang nasayang na buhay na ito, wala pang ni isang nananagot.
“Isa ako sa mga napaniwala niya,” sabi ni Ammied, “pero yun yung malaking panloloko sa aming mga manggagawa.”
At sa daan-daang nasayang na buhay na ito, wala pang ni isang nananagot.

